Naniniwala si dating Sen. Antonio Trillanes XIV na magkakaroon pa ng pagbabago sa paninindigan ng mga senador ukol sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
Ito ay sa sandaling masimulan na ang impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.
Inihalimbawa ni Trillanes ang kaniyang naging karanasan noong 2012 noong dinidinig ng mataas na kapulungan ang impeachment case ni dating Chief Justice Renato Corona.
Nagbabago aniya ang desisyon ng mga senator-judge depende sa ilang salik tulad ng iprinepresentang ebidensiya sa kasagsagan ng trial, pulso o pananaw ng publiko, at ‘policy question’
Kung babalikan, si Trillanes ay isa sa mga senador na bumutong guilty si dating CJ Corona.
Ayon kay Trillanes, hindi rin malinaw noong una kung ilang senador ang susuporta para sa conviction ni Corona hanggang sa tuluyan din itong sinuportahan ng mahigit 2/3 ng mga miyembro ng mataas na kapulungan.
Kailangan ng 16 na boto sa Senado para sa conviction ng inirereklamong impeachable official.
















