-- Advertisements --

Hinimok ni Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh ang mga babaeng pulis na tumayo at maging boses para sa karapatan ng mga kababaihan at tumulong sa pagbabago ng imahe ng kapulisan.

Sa isinagawang aktibidad ng National Police Commission at Police Regional Office 4A kamakailan, kanyang kinilala ang mahalagang papel ng kababaihan sa paghubog at pagpapanibago sa pagpapatupad ng batas.

Panawagan niya sa mga babaeng pulis na buwagin ang imahe o pagtrato bilang mahina, apektado ng emosyon, at nakalimit lamang sa gawain bahay.

Binigyang pagkilala rin ang mahalagang papel ng kababaihan partikular sa paghubog ng mga anak kung kaya’t ibinahagi ang pag-aalala sa nakakaalarmang pagdami sa kasong rape, na biktima’y kabilang mga bata.

Pinuri ni Associate Justice Singh ang mga programang layon labanan ang karahasan sa kababaihan at maigting implementasyon ng Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Kung kaya’t hamon niya sa mga babaeng pulis na labanan ang katiwalian at maging mukha ng pagbabago sa imahe ng Pambansang Pulisya.