Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro na may impormasyon ang pamahalaan na nasa Paris ang dating kongresista na si Zaldy Co, batay sa isang “highly regarded diplomatic source,” habang patuloy itong mino-monitor ng embahada ng Pilipinas sa France.
Ayon sa ulat, hinihinalang humihiling ng asylum si Co sa France matapos siyang masangkot sa mga kasong katiwalian. Nahaharap siya, kasama ang 17 iba pa, sa kasong graft at malversation na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y maanomalyang P289 million flood control project sa Oriental Mindoro.
Sinabi ng Kalihim na sensitibo ang usapin ng asylum sa ilalim ng regulasyon ng European Union, ngunit tiniyak niyang ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng legal na proseso upang maibalik si Co sa bansa.
Nauna rito kinansela na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang diplomatic passport ni Co noong Disyembre 2025, habang ang kanyang regular passport ay paso na mula pa noong 2022.
Samantala, sinabi ng Malacañang na naghahanap ng paliwanag si Pang. Ferdinand Marcos Jr. kung bakit hiniling ng France ang pagpapalaya kay Co mula sa kustodiya ng Czech Republic, na tinawag niyang “very unsatisfactory.”
















