-- Advertisements --

Mariing tinuligsa ni Executive Secretary Ralph Recto ang umano’y kasinungalingan ni Rep. Leandro Leviste.

Ayon kay Recto, hindi na niya kayang palampasin ang walang basehang paninirang puri na paulit-ulit na ibinabato laban sa kanya.

Ibinunyag ni Recto na sa kanilang unang pagtatagpo, nag-alok umano si Leviste ng PHP 400 milyon upang suhulan ang kalaban sa pulitika, na agad niyang tinanggihan.

Sumunod pa raw ang mas malaking alok na PHP 1 bilyon para sa pag-urong ni Gov. Vilma Santos-Recto, na muli niyang itinakwil bilang insulto at kawalan ng respeto.

Dagdag pa ni Recto, ang tunay na hangarin ni Leviste ay makamkam ang libu-libong ektarya ng hacienda ng tubo sa Nasugbu, bagay na hindi niya kailanman pinagbigyan.

Mariin din niyang itinanggi ang mga paratang tungkol sa ghost projects at flood control mess, at iginiit na lahat ng kanyang proyekto sa Batangas ay may resibo at tunay na pakinabang sa mamamayan.

Binatikos din ni Recto ang umano’y vote-buying operations, troll farms, at “factory of lies” na pinapatakbo ni Leviste upang siraan ang mga miyembro ng gabinete at administrasyon.

Aniya, ito ay desperadong hakbang upang takasan ang pananagutan sa mga ghost solar projects na nagdulot ng bilyon-bilyong utang.

Sa kanyang pahayag, tinawag ni Recto si Leviste bilang “bitter brat” na walang respeto sa sariling ina at handang isakripisyo ang katotohanan para sa pansariling kapakinabanan.

Binigyang-diin ni Recto na sa loob ng tatlong dekada ng kanyang serbisyo, ngayon lamang siya nakaharap ng isang taong ganid, tuso, at mapanlinlang.

Aniya, hindi dapat pag-aksayahan ng oras ang mga “psychotic sideshows” na naglalayong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na mga isyu.

Sa huli, nanawagan si Recto na magbalik na sa trabaho at huwag pansinin ang “asong ul*l na kahol nang kahol,” bilang pagtatapos ng kanyang matinding pahayag laban kay Leviste.