Aktibong pinangunahan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang kauna-unahang simultaneous nationwide trade enforcements laban sa mga salarin na nasa likod ng ipinagbabawal na kalakalan ng sigarilyo.
Inalerto din ni Commissioner Lumagui ang lahat na mga regional enforcer at maglunsad ng mga operasyon laban sa mga iligal na pagpupuslit ng sigarilyo sa bansa.
Nasa 378 na mga tindahan sa Luzon, Visayas at Mindanao ang target ng BIR sa kanilang operasyon na pinaniniwalaang bagsakan ng mga smuggled na sigarilyo.
Una ng nagdeklara ng giyera kontra sa mga illegal traders ng sigarilyo ang mga otoridad bunsod sa mga walang prinsipyong mangangalakal na nagpapalusot ng mga iligal na produkto sa 21 probinsiya, 69 na lungsod at munisipalidad sa buong bansa, partikular sa mga wholesaler at retailer na nagbebenta ng mga ipinagbabawal na sigarilyo at nakumpiska ang milyun-milyong halaga ng mga ilegal na sigarilyo na hindi binubuwisan, peke at smuggled.
Dahil sa talamak na smuggling activities, ang gobyerno ay nawawalan ng P50 hanggang P100 bilyon na kita sa buwis mula sa ipinagbabawal na kalakalan ng tabako, na nilayon upang pondohan ang mga pangunahing serbisyo kabilang ang programang Universal Health Care at iba pang layunin ng pambansang pag-unlad.
Nagpasalamat naman si Lumague sa kooperasyon at tulong na ipinaabot ng PNP at iba’t ibang local government units sa kanilang matagumpay na operasyon ngunit kasabay nito ay pinuri ang lahat ng BIR regional officials sa kanilang sama-samang pagsisikap.
“Let me make this clear to you illegal traders. This is just the beginning of our simultaneous nationwide operations. We are serious in our crackdown against illicit cigarette trade. We will be strict on implementing the law from hereon,” pahayag ni Lumagui.
Ang iba’t ibang Revenue regions sa Luzon ay mayroong kabuuang 195 sa sabay-sabay na pagpapatupad ng kalakalan sa Pangasinan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Pampanga, Bulacan, Palawan, Rizal, Cavite, Cavite at sa Maynila.
Inilunsad naman ng mga awtoridad ang 115 operasyon sa Mindanao at 68 sa Visayas.
Ang nakakuha ng pinakamataas na bilang ng sabay-sabay na pagsalakay ang Zambales, Pangasinan, Negros Oriental, Eastern Samar, Agusan del Sur, North Cotabato at Davao del Sur.
Ngunit sa pangkalahatan, ang Zamboanga City ay nakapagtala ng 38 na operasyon na inilunsad laban sa iligal na pagbebenta ng sigarilyo.
Batay sa rekord ang Zamboanga City ay palagiang nasa listahan ng mga “hotspot areas” sa usapin ng pagpupuslit ng sigarilyo at pagbebenta ng mga ilegal na sigarilyo.
Nasa mahigit 100 mga tindahang sinalakay ang matatagpuan sa mga pampublikong pamilihan na nagbebenta ng iba’t ibang tatak ng ilegal na sigarilyo sa presyong pakyawan na aabot sa P30 kada pakete. Inihahanda na ngayon ng BIR ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga may-ari ng mga tindahan na nahaharap sa iba’t ibang paglabag kaugnay ng National Internal Revenue Code of 1997 at ang minimum price requirement ng BIR.
Sa ilalim ng BIR Minimum Price requirement kung saan nakalagay ang presyo ng sigarilyo sa P82.49 kada pakete, ang mga lalabag ay mahaharap sa anim na taong pagkakakulong at multang P500,000.
Mga parusa sa paglabag sa Sec. 145 ay multa na hindi bababa sa 10 beses ang halaga ng excise tax at ang VAT na dapat bayaran ngunit hindi bababa sa P200,000 ngunit hindi hihigit sa P500,000.
Ayon sa Sec. 254 nangangailangan ng multang hindi bababa sa P500,000 ngunit hindi hihigit sa P10,000,000 at pagkakulong ng hindi bababa sa anim na taon ngunit hindi hihigit sa 10 taon.