Isang buwan bago pumanaw, ipinahayag ni Bing Davao ang kanyang hangaring makabalik sa showbiz, tinukoy pa niya ito bilang “huling kabanata” ng kanyang buhay.
Sa isang panayam kay Julius Babao noong Nobyembre 13, ikinuwento ni Bing ang pangako ni Coco Martin na bibigyan ng trabaho ang kanyang yumaong kapatid na si Ricky Davao. Ngunit hindi na ito natuloy matapos pumanaw si Ricky noong Mayo.
Binalak ni Bing na tanggapin ang pagkakataon bilang pagpupugay sa kanyang kapatid at bilang paraan para makabawi sa kanyang pamilya, na palaging nariyan upang magbigay ng suporta sa kanya sa mga oras ng pangangailangan.
Nagpasalamat din siya kay Julius sa pag-interview sa kanya, na inaasahan niyang magsisilbing simula ng kanyang pagbabalik sa industriya ng showbiz.
Kwento pa ni Bing noon, ramdam niyang magkakaroon siya ng pagkakataong muling maging aktibo sa kanyang karera bago matapos ang kanyang huling taon.
Matatandaan na pumanaw si Bing noong Disyembre 20, sa edad na 65.
Ayon sa kanyang pamangkin na si Rikki Mae Davao, cardiac arrest ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Si Bing Davao ay isang kilalang aktor na may malawak na kontribusyon sa industriya ng telebisyon at pelikula. Kabilang sa kanyang mga tanyag na proyekto ang mga pelikulang ”Kahit Butas ng Karayom,” ”Papasukin Ko,” at ”Homicide Manila Police,” pati na rin ang mga seryeng ”Ang Probisyano,” ”Pangako Sa ’Yo,” at ”Darna.”
















