-- Advertisements --

Ibinahagi ng aktres na si Jackie Lou Blanco ang matinding dalamhati ng kanilang pamilya matapos pumanaw ang kanyang inang si Pilita Corrales at ang dating asawa niyang si Ricky Davao sa loob lamang ng isang buwan.

Sa isang panayam sa Malacañang nitong Linggo, kung saan ginawaran ng Presidential Medal of Merit si Corrales, emosyonal na sinabi ni Blanco na “It’s been really very hard… we’re still grieving for my mom and now we’re grieving for Ricky. It’s just hard.”

Mababatid na si Corrales, isang beteranong mang-aawit, ay pumanaw sa edad na 87 habang natutulog noong Abril. Si Davao naman, isang kilalang aktor at ama ng tatlo nilang anak, ay sumakabilang-buhay sa edad na 63 dahil sa komplikasyon sa sakit na cancer.

“Partikular na masakit ito para sa mga anak ko dahil halos sabay silang nawalan ng tatay at ng kanilang mamita,” dagdag pa ni Blanco.

Pinayuhan niya ang kanyang mga anak na parangalan ang alaala ng kanilang ama at lola sa pamamagitan ng pagiging mabubuting tao at pagbabahagi ng mga aral na iniwan ng mga ito.

“We are just trying to draw strength from each other and praying for God’s strength,” ani Blanco.

Nagsimula ang burol ni Davao noong Mayo 4 sa Heritage Park, Taguig, at magtatapos sa Mayo 6. Si Corrales naman ay inilibing sa parehong sementeryo matapos ang kanyang cremation noong kalagitnaan ng Abril.