-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Department of Education (DepEd) Bicol ang nailathalang datos sa isang pahayagan na nagsasabing nasa mahigit 70,000 estudyante sa rehiyon ang hindi nakakabasa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad, initial at unvalidated report umano ang lumabas na bilang mula sa Schools Divisions Offices sa pagsisimula ng school year 2019-2020 partikular na sa pagitan ng Hulyo hanggang Agosto.

Aniya, nasa 1.6 million ang nag-enroll na mag-aaral sa rehiyon at lumalabas sa validated report na bumaba na ang “struggling readers” sa 20,587 pupils mula sa Grades 4 hanggang 6 na kumuha ng English test habang 18,143 naman mula sa Grade 3 hanggang 6 na kumuha ng Filipino test.

Ayon kay Sadsad, hindi dapat pagsamahin ang bilang ng mga hindi pumasa sa English at Filipino test ng Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI), lalo pa’t parehong set ng mga estudyante lamang mula Grade 4 hanggang 6 ang kumuha nito.

Seryosong bagay rin aniya ang naturang usapin kaya’t nagsasagawa na ng mga reading interventions kagaya ng 5Bs o “Bawat Batang Bicolano Bihasang Bumasa”.

Bukas naman sa mga feedback at reaksyon ang ahensya para sa mga programang makakatulong sa pagpapabuti pa ng performances at kalidad ng edukasyon ng mga kabataan.