Kinumpirma ng local authorities sa Nepal ngayong Biyernes, Setyembre 12 na sumampa na sa 51 ang bilang ng mga nasawi sa marahas na protesta sa naturang bansa.
Kabilang sa mga napatay ang 21 protesters noong Lunes sa kasagsagan ng crackdown ng kapulisan sa mga isinasagawang demonstrasyon laban sa pagbabawal ng gobyerno sa social media, korapsiyon at mahinang pamamahala.
Sa panig ng kapulisan, kinumpirma ni Police spokesman Binod Ghimire na tatlong pulis ang nasawi. Kasama din sa mga namatay ang ilang mga preso sa kasagsagan o pagkatapos nilang makatakas mula sa pakikipaglaban sa Nepali security forces.
Ilang pugante naman ang tinangkang tumakas patungo sa India subalit nadakip ng mga Indian forces na nasa border.
Mayroon din aniyang 13,500 na preso ang nakatakas mula sa mga piitan sa buong Nepal habang nangyayari ang kaguluhan kung saan ilan sa mga ito ay nahuli na habang may 12,533 pang nananatiling at large.
Ayon naman sa Army ng Nepal, narekober nila ang 100 baril na ninakaw sa kasagsagsan ng karahasan kung saan naaktuhan ang mga protester na winasiwas ang automatic rifles.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pag-uusap sa pagitan ng presidente, mga kinatawan ng protesters at mahahalagang personalidad na maaaring mamuno sa isang interim administration habang nagpatupad naman ang Nepali Army ng curfew at nakadeploy sa mga kakalsadahan.