-- Advertisements --

Lumobo na sa 98 indibiwal ang kumpirmadong nasawi dahil sa landslide sa Maco, Davao de Oro.

Ayon kay Management of the Dead and the Missing (MDM) unit personnel, Lea Añora, kabilang sa 98 mga labi na narekober ang mga bahagi ng katawan ng mga biktima.

Kung saan 88 ang kumpleto ang parte ng katawan ng mga narekober na labi, 10 ang bahagi lamang ng katawan ng mga biktima.

Sa kasalukuyan, nasa 79 pa lamang dito ang natukoy habang ang 18 namang narekober na labi ay patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan.

Samantala, ayon kay Incident Commander Eng. Ariel Capoy, patuloy ang isinasagawang paghuhukay ng search and rescue team mula sa ground zero para mahanap ang 9 na katao pang nawawala.

Nasa 4 dito sa nawawala ay mula sa mga residente sa lugar, 4 mula sa Maria-Socio General Services Inc. (MSGSI) at 1 mula sa APEX Mining.

Sa pinakahuling update ng NDRRMC, mahigit 1.5 million katao ang naapektuhan ng masamang lagay ng panahon na nagdulot ng baha at landslide sa Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.

Kasalukuyan, umiiral ang state of calamity sa lugar ng Maco, Davao de Oro, Agusan del Sur (province-wide), Lingig, Surigao del Sur, Butuan City at Las Nieves, Agusan del Norte.