-- Advertisements --

Niratipikahan na ng Kamara ang report ng bicameral conference committee sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon na aabot sa P4.1 trillion.

Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang report ilang oras pagkatapos na lagdaan at pinagtibay ng mga miyembro ng bicameral conference committee sa kanilang pagpupulong sa Makati City nitong araw.

Sa isang statement, pinuri ni Speaker Alan Peter Cayetano ang mga miyembro ng bicameral conference committee sa kanilang malalimang pagsusuri at kagyat na pag-apruba sa budget bill.

Samantala, nanindigan naman si Cayetano na ipinasa ng Kamara ang 2020 budget bill na walang nakakubling pork barrel, parked funds, o anumang delay.

Ito ay kahit pa sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na may nakatagong pork funds sa ilalim ng 2020 national budget.

Naniniwala ang lider ng Kamara na ang maagang pag-apruba sa budget sa bicam level ay magandang pagkakataon para kay Pangulong Rodrigo Duterte na ma-review ang mga probisyon ng budget bill at matiyak na alinsunod ito sa mga priority programs ng kanyang administrasyon.