-- Advertisements --

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ila-livestream ang bicameral conference committee meeting para sa 2026 national budget bilang hakbang tungo sa mas bukas at tapat na deliberasyon.

Ayon sa Pangulo, ito ay napagkasunduan nila ni Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Faustino Dy III upang bigyan ng pagkakataon ang publiko na masubaybayan ang proseso ng pagbuo ng pambansang budget, kabilang na ang mga posibleng kuwestiyonableng insertions.

Dagdag pa ng Pangulo, wala nang tinatawag na “small committee” na dati umuugit sa ilang budget insertions nang palihim.

Tiniyak din ng Pangulo na ang House-approved version ng 2026 budget ay tugma pa rin sa socio-economic development plan ng administrasyon. Gayunpaman, sinabi niyang dadaan pa ito sa Senado at bicam bago maging ganap na batas.

Nais ng Pangulo na makita at mapanuod ng publiko ang budget process at makita kung sino ang nagsusulong ng mga insertions.

Sa ngayon wala pang iskedyul kung kailan ang Bicam. 

Naka session break ngayon ang House of Representatives habang ang Senado ay abala sa pagtalakay pa sa pambansang pondo.