Nakatakda nang ipatupad ng Bureau of Immigration (BI) ang bagong polisiya ng pamahalaan na pagpasok ng mga fully vaccinated na foreign nationals simula sa darating na Pebrero 10.
Sa abiso ni BI Commissioner Jaime Morente base sa resolusyon mula sa Inter-Agency Task Force (IATF), nakasaad na lahat ng fully vaccinated “aliens” ay puwede nang pumasok sa bansa.
Dagdag ni Morente na ang mga foreign nationals na galing sa 157 na bansang kasali sa Executive No. 408 at iba pang nationalities na sakop ng Foreign Service Circulars ay puwede ring pumasok sa bansa na “visa free.”
Habang ang mga “visa required” ay kailangang kumuha muna ng entry visa at Entry Exemption Document sa pinakamalapit na Philippine consulate o embassy.
Pero ang lahat aniya ng paparating na fully-vaccinated aliens ay kailangan pa ring magprisinta ng proof of vaccination na aprubado ng IATF.
Kabilang na rito ang negatibong “RT-PCR” result na kinuha 48 oras bago ang kanyang pag-alis sa country of origin.
Kailangang din nilang magpakita ng valid duration ng kanilang pananatili sa bansa at ito ay dapat nilang iprisinta sa mga airline kasabay ng kanilang check-in.
Ang mga turista ay kailangan ding magprisinta ng pasaporte na balido ng kahit anim na buwan at ang kanilang outbound ticket.
Nilinaw naman ni Morente na ang lahat ng hindi pa bakunadong banyaga ay hindi puwedeng pumasok sa bansa kahit ano pang visa type mayroon ang mga ito.
Ang mga mapapatunayang hindi pa fully vaccinated na tangkang pumasok sa bansa na mga foreign nationals na bigong makapagprisinta ng mga requirement ay agad pasasakayin sa susunod na available flight pabalik sa kanilang port of origin.