Sinegundahan ni Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang inihayag ng kasalukuyang lider ng bansa na si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa isyu ng ‘white paper’ laban sa kanya.
Sa inilabas na opisyal na mensahe ng naturang immigration commissioner, kanyang ibinahagi ang pagkilala sa kung ano ang naging pananaw ng pangulo.
Kanyang nirerespeto umano ang inihayag ni Presidente Marcos na kinakailangan munang tingnan ang mga isyung ito na ipinadalang ‘white paper’ raw sa kanyang opisina.
Aniya’y nakikibahagi siya sa Pangulo na nais bigyang halaga ang ‘transparency’ o kaliwanagan, at patas na pagpoproseso ng pag-iimbestiga.
Dagdag pa niya na importanteng hindi ito ipagsawalang bahala lalo pa’t ito ay tumutugon sa mga usaping pampubliko.
Kaya’t inihayag pa ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang buo nitong pagtitiwala na sa pamamagitan ng ‘impartial investigation’ ay mabibigyang linaw ang naturang isyu.
Maaalala na kumalat ang kontrobersyal na ipinadalang ‘white paper’ umano sa Office of the President na siyang naglalaman ng mga reklamo laban sa immigration commissioner.
Inilahad raw dito ng mga tauhan ng kawanihan ang reklamong maling paghawak ni Viado sa mga kaso ng POGO at maging sa deportasyon ng ilang mga illegal foreign workers.
Agad naman itong pinabulaan at itinangging totoo ni Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.