Sinalakay ng Land Transportation Office (LTO) ang isang pribadong establishimiyento sa Quezon City na umano’y nagbebenta ng mga second-hand right-hand drive motor vehicles.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang pagbebenta ng mga naturang sasakyan dito sa Pilipinas ay maituturing na iligal. Ito ay maliban pa sa hindi ito akma sa traffic scheme na ipinapatupad ng bansa.
Maliban sa sariling intelligence-gathering na isinagawa ng LTO, nakatanggap din ang mga ito ng report na nagpapakita sa naturang bentahan, gamit ang iba’t-ibang mga social platform.
Isinasagawa rin umano ang ilang transaksyon gamit ang social media.
Paliwang ni Mendoza II, ang mismong presensya ng mga naturang sasakyan dito sa bansa ay ipinagbabawal na, kaya’t tiyak na may nagpasok sa mga ito dito sa Pilipinas.
Sa ilalim ng Republic Act 8506 o ang batas na nagbabawal sa mga right-hand drive motor vehicle sa Pilipinas, ipinagbabawal dito ang pag-import, tumulong sa pag-import, magrehistro o tumulong sa pagpaparehistro, paggamit, at pag-operate sa mga naturang sasakyan.
Ipinagbabawal ito, mapa-pribado man o pampublikong pag-aari, kasama na ang mga lokal na pamahalaan at ang national government.