Reading Time: 1 minute

BAGUIO CITY – Naging malaking hamon sa Golden State Warriors ang naging performance ng mga bench players sa Game 3 sa pagitan nila ng Toronto Raptors.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni basketball coach Zards Gacad na hindi nag-step up sa performance ang mga bench players ng Warriors.

Aniya, relax lamang daw kasi ang laro ng mga bench players ng Warriors kung kasama nilang naglalaro sina Stephen Curry, Klay Thompson at Kevin Durant kaya nang mawala na sina Thompson at Durant ay na-pressure ang mga bench players na magpakita ng magandang laro.

Inilarawan niya na masyadong mabigat ang pressure sa mga bench players ng Warriors kaya hindi maka-relax at hindi nakapuntos ang mga ito.

Sinabi niya na kahit dinala ni Curry ang laro ng Warriors ay kailangan din nito ang tulong ng kanyang mga kasama.

Dinagdag niya na dapat nang makabalik sa Warriors sina Thompson at Kevon Looney at kailangan ding alisin ng mga bench players ang pressure sa kanilang sarili para gumanda ang kanilang game.

Pinuri pa ni coach Gacad ang naging performance ng Raptors na inilarawan niyang “smart play” dahil sa malakas nilang depensa na nagresulta sa kanilang panalo.