KALIBO Aklan— Makikiisa ang grupong Bayan Panay sa pambansang pagkilos na sabay-sabay isasagawa sa buong bansa.
Ayon kay Elmer Forro, secretary general ng nasabing grupo na ito ang dahilan kung kayat hindi sila nakasama sa kilos-protesta na pinangunahan ng Iglesia ni Cristo.
Patuloy nilang pinaghahandaan ang malawakang kilos protesta sa darating na November 30, 2025 kung saan inaasahan nilang mahigit 20,000 katao ang makikiisa mula sa lalawigan ng Iloilo at mga kalapit na probinsya.
Pangunahing panawagan ng kanilang kilos-protesta ay ang pananagutan ng lahat ng sangkot sa korapsyon at ang pagpapatupad ng malawakang reporma sa sistema ng pamahalaan.
Giit nila, hindi sapat na may mga nakasuhan na, dahil dapat anilang papanagutin ang “pinakapuno” o pangunahing responsable upang tuluyang matigil ang korapsyon sa lipunan.
Samantala, kabilang din sila noon sa mga nagsampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, at binigyang-diin nilang hindi sila papayag na mapalitan lamang ng “mas korap” na pinuno ang bansa.
Ipinahayag din ng grupo na pinag-aaralan nila ang posibilidad ng isa pang impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
















