Binigyang-diin ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang kaniyang paalala sa lahat ng kapulisan hinggil sa mahigpit na ipinagbabawal na pagtanggap ng mga ito ng anumang regalo at gayundin ang pagso-solicit sa papalapit na panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay PNP chief Azurin, ang naturang pagbabawal ay alinsunod sa mahigpit na “Code of Conduct at Ethical Standards for Public Officials and Employees” na itinakda ng Civil Service Commission na kanilang ipinapatupad sa pambansang pulisya.
Aniya, maging ang pagtanggap ng mga food packs bilang token o gratitude sa kanilang serbisyo ay mahigpit na ipinagbabawal din.
Ito ay upang maiwasan na magkaroon ng utang na loob o pabor ang isang pulis na nagbigay nito.
Samantala, bukod dito ay nagbabala naman si PNP chief Azurin na tatanggap ng mabigat na administratibong parusa ang sinumang pulis na mahuhuling tatanggap ng regalo at magsosolicit sa kahit na sino at gayundin sa sinumang mahuhuli na gumagawa ng ilegal na aktibidad.