Reading Time: 1 minute

Hindi na umano pag-aksayahan pa ng panahon ng Malacañang ang bagong batikos ni CPP/NPA founding chairman Jose Maria Sision.

Magugunitang pinatutsadahan ni Joma Sison ang mga nilagdaang kasunduan at pagtalakay sa posibleng joint exploration sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China, gayundin ang pag-ungkat ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa arbitral ruling sa katatapos na working visit ng pangulo sa Beijing.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, mas mabuting huwag nang patulan ang pahayag ng isang indibidwal na wala nang magawa at ang pananaw ay pawang produkto na lang ng ilusyon.

Ayon kay Sec. Panelo, magpokus na lamang sila sa pagtupad ng constitutional duty na paglingkuran at protektahan ang mga Pilipino imbes na mag-aksaya ng oras sa lider ng mga komunista.

Una ng ipinagmalaki ng Malacañang ang resulta ng ika-limang pagbisita ni Pangulong Duterte sa China kung saan, anim na kasunduan ang nalagdaan maliban pa sa umano’y magandang kinalabasan ng pag-uusap sa joint exploration, Code of Conduct in the South China Sea bagama’t binalewala lamang ni Pres. Xi ang ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na inungkat ng pangulo.

“The Duterte presidency is engrossed in its constitutional duty of serving and protecting the Filipino people, that it has no time to waste in responding to the latest anti-Duterte statement of Jose Maria Sison, other than saying that it is another arrant raving and incorrigible ranting coming from an aging armchair passé rebel whose illusory vision has outsprinted the ticking hands of time,” ani Sec. Panelo.