Mariing kinondena ng Malacañang ang panibago na namang basura mula sa ibang bansa na naipuslit muli sa Pilipinas.
Una nang inihayag ni Bureau of Customs collector John Simon na nakapasok sa Mindanao Container Terminal ang pitong container vans na naglalaman ng basura mula naman sa Australia.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakakainsulto para sa Pilipinas na ginagawa tayong tambakan ng basura ng ibang bansa.
Ayon kay Sec. Panelo, hindi papayag ang Malacañang dito at katulad ng ginawa sa basura ng Canada, pipilitin ng gobyerno na maibalik ito sa Australia.
Ipinagtataka rin ni Sec. Panelo na kung papaano nakakapuslit ang mga basura sa Pilipinas.
Sakali mang mapatunayang may misdeclaration, dapat aniyang managot agad ang nasa likod nito.