-- Advertisements --
indama

Patay sa military encounter si Basilan-based Abu Sayyaf group (ASG) leader Furuji Indama.

Ayon kay Western Mindanao Command (Wesmincom) commander Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., base sa account ng mga tropa at maging sa mga kaanak ng ASG leader na napatay sa engkwentro noong buwan ng September 9, 2020 sa RT Lim, Zamboanga Sibugay si Indama.

Nagtamo raw ng matinding sugat si Indama na dahilan sa pagkamatay nito.

Sinabi pa ni Vinluan, nasa validation process pa rin ang militar at nilo-locate na lamang nila kung saan inilibing ang katawan ng napatay na ASG leader para makumpirma na si Indama nga ito.

Sinasabing sa kabila ng matinding bakbakan ng Abu Sayyaf at militar hindi iniwan ng teroristang grupo ang katawan ni Indama.

Si Indama ay mayroong monetary reward na P3.3 million kapalit ng kaniyang ulo.

Kasama sa patuloy na bina-validate ng militar ay ang pagkamatay din ni Sulu-based ASG Leader Hatib Hajan Sawadjaan.

Kahapon napatay din sa engkwentro sa Basilan ang trusted man ni Indama na si alyas Botak sa lugar ng Ungkaya Pukan.