Muling pinagtibay ng administrasyong Marcos ang pangako nitong protektahan at tulungan ang rehabilitasyon ng mga bata sa loob ng tinawag na “armed conflict zones.”
“Ang paglunsad ng Bangsamoro Protocol on Handling ‘Children in Situations of Armed Conflicts’ ay may suporta ni Pangulong Marcos at ng kanyang buong administrasyon,” sabi ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo.
Ang inisyatiba para protektahan ang mga kabataang naiipit sa lugar na may armadong awayan ay inilunsad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Bangsamoro Children’s Month.
Ito ay nagpapakita ng pinag-isang hakbangin upang maprotektahan at maisaayos ang estado ng mga batang naaapektuhan ng armadong tunggalian – na tinitingnan sila bilang mga biktima na nangangailangan ng pag-aaruga at muling pagsasama sa lipunan, sa halip na mga batang lumalabag sa batas.
Kinatawan ni Police Col. Jemuel F. Siason, Deputy Regional Director for Operations ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region, ang sektor ng seguridad sa aktibidad, at binigyang-diin ang papel ng mga tagapagpatupad ng batas sa pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga bata sa mga lugar na apektado ng tunggalian.
Ang BARMM CSAC Protocol ay nagsisilbing lokal na pagpapatupad ng Republic Act No. 11188 o ang Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act, na nag-aatas ng komprehensibong proteksyon at tulong para sa mga menor de edad na nalalantad sa karahasang dulot ng armadong labanan.
Ito rin ay nagpapatibay ng koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan, ng mga ministeryo ng BARMM, at ng mga ahensiyang pangseguridad upang maiwasan ang pagrerekrut, mapabilis ang pagsagip at pagbangon ng mga bata, at matiyak ang kanilang psychosocial rehabilitation.
Binigyang-diin ni Lagdameo ang determinasyon ng administrasyong Marcos na ipatupad ang batas para sa mga batang nasa sitwasyong may armadong tunggalian, at iginiit na mananatiling matatag ang pamahalaan sa pagsusulong ng karapatan ng mga bata sa mga apektadong lugar.
“May karapatan ang bawat bata sa ligtas, malusog, at payapang kabataan. Hindi sila nabibilang sa larangan ng digmaan, at may karapatan silang hindi makilala ang mga karumal-dumal na epekto ng giyera. Ang armadong tunggalian, na wala silang kinalaman, ay nag-aalis sa kanila ng karapatang maging bata,” ani Lagdameo.
Binigyang-pansin din niya ang patuloy na pagsisikap ng Department of Social Welfare and Development na palakasin ang prinsipyo ng “children as zones of peace” – isang doktrina na nagsusulong ng pananaw na ang mga bata at ang mga lugar na kanilang tinitirhan ay dapat malaya sa anumang uri ng karahasan o poot.
Aniya, “Ang prinsipyong nais naming maging bahagi ng kamalayan ng bawat Pilipino ay ang pagtingin sa mga bata bilang mga ‘zones of peace’. Sila ang pinakamalinaw na dahilan ng pag-iral ng isang Estado – upang mapangalagaan ang pinaka-marupok nitong mamamayan at mapanatili ang sarili nitong kinabukasan. Ang Estado na walang mga bata ay isang Estadong nasa bingit ng pagkawala.”
Itinuring din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kapakanan ng mga bata sa rehiyong Bangsamoro bilang isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon, lalo na yaong mga naapektuhan ng matagal na dekadang armadong tunggalian.
Ayon sa Pangulo, “Ang mga bata ay dapat maprotektahan laban sa lahat ng uri ng panganib. Dapat gawin ang lahat ng paraan upang matiyak na sila ay ligtas at napangangalagaan sa lahat ng pagkakataon.”
Ang paglulunsad ng BARMM CSAC Protocol ay isang mahalagang tagumpay sa pagsasakatuparan ng mga mekanismong lokal para sa proteksyon ng mga bata sa mga lugar na apektado ng tunggalian, habang sinusuportahan din nito ang mas malawak na pambansang adyenda para sa kapayapaan at kaunlaran.
Sa pamamagitan ng pagpapatatag ng ugnayan ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang pamahalaang BARMM, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at mga humanitarian partners – layunin ng protocol na matiyak na walang batang Pilipino ang maiiwan sa layuning makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.















