Kasunod ng tuluyang paghupa ng May 12 Elections fever, hinimok ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof Macacua ang mga residente at mga kandidato na isantabi na ang awayang pulitika na posibleng nabuo sa kasagsagan ng halalan.
Sa halip ay magtulungan na lamang aniya upang makamit ang mapayapa at maayos na parliamentary election na nakatakda sa buwan ng Oktubre.
Kasabay nito ay hinimok rin ni Minister Macacua ang lahat ng stakeholder sa Bangsamoro na magtulungan kasama ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang masigurong ang mga hindi-pagkakaunawaan at mga kaguluhang nangyari sa campaign period at election day ng midterm polls ay hindi na muling mangyari pa.
Ang nakatakdang halalan sa Oktubre ay ang unang pagkakataon kung saan ang mga botante ay direktang makikibahagi sa pagpili ng mga susunod na miyembro ng parliamento, kasama ang bagong chief minister ng Bangsamoto.
Giit ng Bangsamoro chief minister, nananatili ang commitment ng kaniyang administrasyon na magkaroon ng maayos na leadership transition pagkatapos ng parliamentary electionsa sa buwan ng Oktubre.
Kaakibat ng hinahangad na pagkakaroon ng maayos na transition, dapat din aniyang magkaroon ng ligtas, payapa, at credible na halalan, at maprotektahan ang integridad ng electoral process.
Sa ngayon, ilang religious at community leaders na rin ang tumutulong upang maiwasan ang mga rido o tribal war na kalimitang dahilan ng mga kaguluhan sa naturang rehiyon. Ang mga nangyayaring rido ay malimit na nag-uugat sa mga awayan sa lupa, pulitika, at pamilya.
Tinukoy din ni Macacua ang pagpapatuloy ng decommissioning process para sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces bilang isa sa mga pangunahing paraan para maipalaganap ang kapayapaan sa Bangsamoro.