COVID IN ABRA6

VIGAN CITY – Isinailalim na sa extreme enhanced community quarantine (ECQ) ang Brgy. Poblacion, La Paz, Abra matapos kumpirmahin ni Gov. Joy Bernos ang ika-apat na positibong kaso sa nasabing lalawigan.

Ang pasyente ay isang medical frontliner sa Seares Memorial Hospital, 32-anyos, asymptomatic ngunit asthmatic ito at wala naman umanong travel history sa ibang lugar.

Napag-alamang positibo ang nasabing pasyente sa pamamagitan ng naisagawang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) risk based testing sa mga frontline personnel at ng mga vulnerable population.

Gayunman, nai-lockdown na rin ang ospital kung saan nagtatrabaho ang pasyente at doon naman umano ito naka-quarantine.

Hiniling ng gobernador sa mga nakahalubilo ng pasyente na tumulong sa kanila para sa madaliang contact tracing kasabay ng kanyang pag-abiso sa mga mamamayan na maging mapagmatyag ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.