-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Pinababalikan na ngayon ng barangay officials ang kuha ng closed circuit television (CCTV) camera sa pag-asam na nakunan nito ang posibleng nag-iwan ng isang sanggol sa Anahaw Village, Brgy. 2 Em’s Barrio sa Legazpi City.

Maga-alas-6:00 nitong umaga ng Biyernes nang matuklasan ang isang wala nang buhay na lalaki sanggol sa daanan.

Nakakabit pa ang pusod at inunan nito na pinaniniwalaang kakapanganak pa lamang at tinatayang pitong buwan na.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Punong Barangay Johannalyn Bal, isang pulis na residente umano sa naturang barangay ang unang nakakita sa sanggol.

Ayon sa kapitan, posibleng isa sa mga boarders sa lugar ang nag-iwan nito kaninang madaling-araw sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan na naranasan sa magdamag.

Nabatid pang dalawa lamang ang nakarehistrong buntis sa lugar subalit malayo pa umano ang buwan ng panganganak ng mga ito.

Kaugnay nito, inatasan ni Bal ang mga may-ari ng mga boarding house sa lugar na mas maging mapagmatyag at alamin ang kalagayan ng mga pinatutuloy at mga umuupa.

Samantala, agad namang ipinalibing ang sanggol habang nagtirik rin ng kandila ang mga barangay officials sa lugar kung saan ito nakuha.