Nakahanda ang Department of Justice (DOJ) na isailalim sa state witness program ang government contractors na sina Curlee at Sarah Discaya sakaling mapatunayang hindi “most guilty” ang mga ito sa umano’y anomaliya sa flood control projects.
Kinumpirma ito ni Senate Blue Ribbon Committee chair Senator Rodante Marcoleta sa pagpapatuloy ng motu propio inquiry ng Senate Blue Ribbon sa umano’y korupsiyon sa flood control projects ngayong Lunes, Setyembre 8.
Sa naturang pagdinig, tinanong ni Senate Committee vice chair Senator Erwin Tulfo si Senate Committee chair Marcoleta sa plano ng komite hinggil sa idinulog ng mag-asawang Discaya kaugnay sa banta sa kanilang buhay.
Nauna na kasing isiniwalat ni Sarah Discaya sa kaniyang sworn statement na “dahil sa peligro ng buhay sa kanilang pamilya, napilitan silang makisama sa kalakaran kahit labag sa kanilang kalooban.”
Bunsod nito, nagboluntaryo ang Discayas na maging state witness para isiwalat ang umano’y sabwatan sa pagitan ng mga mambabatas, Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kawani ng gobyerno para gawin kung ano ang tama. Umapela din ang mag-asawa kay Sen. Marcoleta at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-protekta sa kanilang pamilya.
Ayon naman kay Sen. Marcoleta, agad siyang nakipag-ugnayan sa tanggapan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla pagkatanggap ng sinumpaang salaysay ng mag-asawang Discaya.
Aniya, ipinaabot ni Sec. Remulla na hindi dapat mabahala ang mag-asawang Discaya dahil may provisional immunity ang mga ito at hindi basta na lamang uusigin.