-- Advertisements --

BAGUIO CITY РIpinasakamay na ng militar sa pamilya nito ang bangkay ng Medical Officer ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na iniwan ng mga kasamahan nito sa isang kubo sa Sitio Fukong, Barangay Gawa-an, Balbalan, Kalinga.

Nakilala itong si Nora Miguel alyas Gemay, Medical Officer ng Komiteng Larangan Guerilla (KLG) Baggas ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) at asawa ni Rudy Daguitan alyas Pinpin na political officer/political instructor ng kaparehong grupo.

Maaalalang noong Lunes, March 15 ay unang natagpuan ang bangkay ni Daguitan na iniwan din ng mga rebelde sa kubo ng mga ito na nakubkub ng militar matapos ang engkwentro nila sa Babacong, Gawa-an, Balbalan, Kalinga.

Batay sa report ng 5th Infantry Division, Philippine Army, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente na kasama sa mga nasawi sa engkwentro ang asawa ni Daguitan.

Natagpuan ito ng mga sundalo sa paggalugad nila sa kabundukan at ibinaba sa tulong ng mga sibilyan.

-- Advertisement --

Batay naman sa DND-DILG Joint Order on Reward, si Miguel ay may patong sa ulo na P400,000 at nahaharap sa mga kasong double murder at multiple frustrated murder.