NAGA CITY – Inaabangan na ngayon ang mainit na pagbabanggaan ng dalawang boksingero mula sa Pilipinas at Indonesia na nakatakdang gawin bukas, Enero 18, 2020 sa Provincial Capitol Convention Center, Cadlan Pili, Camarines Sur.

Kanina nang isinagawa ang face-off at weigh-in ng magkalabang sina Michael ‘Captain Barbel’ Mendoza ng Ragay, Camarines Sur at Estevanos “Time Bomb” Nana Bau ng Jacarta, Indonesia.

Si Mendoza ang may 10 win-1 loss-2 draw boxing record habang may 10 win-12 loss at 2 draw naman ang Indonesian Boxer.

Pag-aagawan ng dalawa ang titulo para sa WBF-International Flyweight Championship.

Ayon sa kampo ng Indonesian boxer, kampante sila na mapapatumba ni Estevanos si Mendoza sa gitna ng naturang laban.

Sa bahagi naman ng Pinoy boxer, kampante aniya siya na bibigyan niya ng magandang laban ang mga Pinoy at sisikapin nitong maknockout ang kalaban.

Maliban sa dalawa, kasama rin sa undercard sina AI “Captain A’ Sabaupan ng Pilipinas (25-3-1) at isa pang Indonesian Boxer na si Benny “Gun” Tamaela (4-9-1).