Patuloy ngayong nakiisa ang Ban Toxics sa pandaigdigang panawagan na wakasan ang lead poisoning kasabay ng International Lead Poisoning Prevention Week.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Thony Dizon, advocacy and campaign officer ng BAN Toxics, ibinahagi nito na kahapon, Oktubre 24, ay nagsagawa sila ng community parade at awareness drive sa Brgy. Tatalon Quezon City.
Ayon kay Dizon, dinaluhan ito ng 600 indibidwal kabilang ang mga estudyante, magulang, guro, lokal na opisyal at mga residente para maipakita ang suporta at panawagan na alisin ang pagkakalantad sa lead, protektahan ang kalusugan ng mga bata, at pangalagaan ang kapaligiran.
Tampok sa parada ang mga bata mula sa limang lokal na daycare center, na pawang nakasuot ng matingkad na internasyonal na kasuotan habang may dalang mga banner at placard na nagsusulong ng global ban sa lead sa mga produktong pambata at mga paninda.
Namahagi din ng mga educational materials, at nagsagawa ng mga interactive na aktibidad upang mapataas ang kamalayan sa mga panganib sa kalusugan ng pagkakalantad sa tingga.
Binigyang-diin pa niya na bahagi lamang ang naturang aktibidad ng kanilang ginawang pagsisikap sa bansa na patuloy sa pagbibigay-impormasyon at paalala sa kanilang produktong sinusuri lalung-lalo na kung itoy nakitaan ng nakakalason na kemikal.
Aniya, sa pamamagitan pa ng inisyatibong ito, naturuan at nabigyang-kapangyarihan ang publiko at naitaguyod ang mas matibay na mga patakaran na nagpoprotekta sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran para ma-eliminate ang mga nakalalasong kemikal, lalo na ang mga nakakaapekto sa mga bata.
















