-- Advertisements --

Humarap ngayong araw sa Department of Justice ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa nakaskedyul nitong preliminary investigation. 

Kung saan sumalang dito ang naturang dating alkalde upang ipresinta ang kanyang sarili hinggil sa mga panibago nitong reklamo na kinakaharap. 

Mayroon kasing mga reklamong isinampa laban sa kanya kamakailan na inihain ng National Bureau of Investigation, dalawa (2) at tatlong (3) buwan ang nakalilipas.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Nicole Jamilla, ang pagpunta at pagharap ni former Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa preliminary investigation ay upang isumite ang kanyang mga counter-affidavits. 

Ito aniya’y upang ibahagi at madepensahan ng dating alkalde ang kanyang sarili laban sa mga reklamong may kinalaman sa graft, tax evasion, at falsification of public documents. 

Sumatotal, ito ay tatlong mga panibagong reklamo kaya’t ibinahagi pa ng naturang abogado na tatlo rin ang kanilang isinumiteng kontra-salaysay.

Samantala, mariin pang iginiit ng naturang abogado na ang mga reklamong ito partikular sa falsification of public documents ay hindi na bago pa. 

Aniya’y mayroon ng nauna pang inihaing reklamo na ganito rin kaya’t dagdag lamang ulit ang pangalawang reklamong ito. 

Kaya naman sinabi pa ni Atty. Nicole Jamilla na sila’y mariing naninindigan na ang dating alkalde na si Alice Guo ay isang Filipino citizen.