Mas pinahusay ng mga unit ng Philippine Army (PA) ang kanilang kakayahan sa joint at combined operations sa pamamagitan ng pakikipagsanib-puwersa sa tropang Amerikano sa katatapos na Balikatan exercises.
Ayon kay PA spokesperson Col. Louie Dema-ala nitong Miyerkules, napalalim ng mga pagsasanay ang koordinasyon ng Army sa larangan ng maritime security, amphibious operations, air and missile defense, at cyber defense.
Aniya, naipamalas ng PA ang mas mataas na antas ng interoperability sa paggamit ng advanced defense systems at integrated air-sea-land assets.
Dagdag ni Dema-ala, naging oportunidad ang Balikatan para sa mga sundalo na matuto sa aktuwal na senaryo at makagamit ng makabagong teknolohiya sa pagtatanggol.
Ang mga pagsasanay ay isinagawa mula Abril 21 hanggang Mayo 9.
Una nang sinabi ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. na bukod sa teknikal na benepisyo, pinakamahalagang bunga ng Balikatan ngayong taon ay ang mas matibay na tiwala at ugnayan sa pagitan ng mga kaalyadong bansa. (report by Bombo Jai)