Pormal nang nagtapos nitong araw ng Biyeres Joint PH-US Balikatan Exercise 2022.
Ang closing ceremony ay isinagawa sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo na pinangunahan ni AFP chief of staff Gen. Andres Centino, AFP Balikatan 22 Exercise Director Maj. Gen. Charlton Sean Gaerlan, US exercise Director Representative BGen. Joseph Clearfield at US Embassy Charge d’ affaires Heather Variava.
Ayon kay Clearfield, tagumpay ang Balikatan dahil naipakita nito ang pagkakaisa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Nagbunga rin ito ng kapaki-pakinabang at magandang resulta sa pagharap ng dalawang bansa sa iba’t ibang hamon.
Sinegundahan naman ni Gaerlan ang pahayag ni Clearfield at sinabing tagumpay ang Balikatan dahil nakamit nito ang “objective” o layunin ng aktibidad na palakasin ang security cooperation ng Pilipinas at Estados Unidos.
Samantala, pinasalamatan naman ni Centino ang lahat ng mga nakiisa sa Balikatan.
Sa kabila kasi ng pandemya ay naisakatuparan pa rin ito at natapos ang lahat ng aktibidad.
Paliwanag nya, mahalaga ang Balikatan dahil nakatutulong ito sa mga sundalong Pilipino sa paghasa ng kakayahan dahil nagamit dito ang mga bagong gamit ng AFP.
Naging tampok sa mga aktibidad ngayong taon ang amphibious operations exercise sa Claveria, Cagayan at ang Combined Arms live fire exercise sa sa Tarlac.
Ito din ang kauna-unahan na lumahok ang state of the art air and missile defense system ng Amerika ang Patriot sa Balikatan 2022.
Maliban dito ay lumahok din ang mga Pilipino at Amerikanong sundalo sa humanitarian at civic assistance projects at pagsasagawa ng community health activities.
Nabatid na ang Balikatan 2022 ay ang ika-37 Balikatan at pinakamalaking joint military exercise na nilahukan ng ng 3,800 tauhan ng AFP at 5,100 miyembro ng US military.