-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Labis na ipinagmamalaki ng pamilya Quemado ang mga achievement ng kanilang anak na topnotcher sa PMA (Philippine Military Academy) Class Bagsik-Diwa (Bagong Sibol sa Kinabukasan Mandirigma Hanggang Wakas) Class of 2022 na si Cadet 1st Class Krystlenn Ivany Quemado.

Si Cadet 1st Class Quemado, 22-anyos ng South Cotabato, ang ika-pitong babae na naging number one sa PMA na makakakuha ng Presidential Saber, Philippine Navy Saber, Jusmag Saber, Australian Defence Best Overall Performance Award, Spanish Armed Forces Award, Agfo Award, Academic Group Award, Humanities Plaque, Management Plaque, Social Sciences Plaque, at Navy Professional Courses Plaque.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Col. Nicolas Quemado ng South Cotabato na consistent first honor ang kanyang anak mula Grade 1 hanggang Grade 6 kung saan nagtapos ito bilang valedictorian noong elementarya at sekondarya. Dahil dito kaya tiwala aniya siya na makakaya ng kanyang anak ang mga academic requirements at hamon na kakaharapin nito sa pagpasok sa PMA.

Inihayag naman ni Dr. Lovie Quemado na magkakaroon din ng selebrasyon sa tagumpay ng kanilang anak kasama ang mga kamag-anak at mga kaibigan.

Dagdag ni Dr. Quemado, ang kanilang anak ay una nang na-qualifiy sa “The Filipino Youth Leadership” na isang espesyal na programa para sa mga kabataang Pilipino na sponsored at ginastusan ng Estados Unidos.

Naipadala aniya ang kanyang anak sa Amerika para sa naturang programa sa loob ng isang buwan at marami siyang natutunan kung saan maaring dito niya natutunan ang pagnanais nitong magserbisyo sa mga mamamayan.

Samantala, napabalik-tanaw din ni Col. Quemado sa kanyang batch na PMA Class 1993 at miyembro siya ng Philippine Army na maaring malaking impluwensiya sa kanyang anak dahil nakita nito ang dedikasyon at disiplinang taglay nito.

Pag-amin naman nito, bago pumasok ang anak sa PMA ay nakitaan nito na kulang pa ang malakas na pangangatawan kaya isinailalim niya sa physical training para sa physical development .

Sa kabilang dako, pumangalawa sa kanilang klase si Cadet 1st Class Kevin John Pastrana mula Baguio City na tatanggap ng Vice Presidential Saber at Philippine Air Force Saber bukod pa sa Australian Defence Best Overall Performance Award, Information Technology Plaque at Air Force Professional Courses Plaque.

Si Cadet 1st Class Ian Joseph Bragancia mula Iloilo ang pangatlo na makakakuha ng mga Secretary of National Defense Saber, Philippine Army Saber at Chief Justice Saber. Siya ay tatanggap din ng Australian Defense Best Overall Performance Award, Distinguished Cadet Award, General Antonio Luna Award, Mathematics Plaque, Natural Science Plaque, at National Security Studies Plaque, Army Professional Courses Plaque.

Nasa ika-apat si Cadet 1st Class Faithe Turiano ng Camarines Sur, 5th si Cadet 1st Class Yyoni Xandria Marie Tiu mula Davao City, ika-anim si Cadet 1st Class Jake Anthony Mosquera ng North Cotabato, ika-pito si Cadet 1st Class Jesie Mar Frias mula Antipolo City, Rizal, ika-walo si Cadet 1st Class Elvin John Oyo-a mula Butuan City, ika-siyam si Cadet 1st Class Nerfa Minong ng Zamboanga City; at ang ika-10 ay si Cadet 1st Class Criselle Jane Rico na mula rin sa Zamboanga City.