Nakapagtala na rin ang Estados Unidos ng kauna-unahang kaso ng bagong varinat ng coronavirus disease na nagmula sa United Kingdom.
Nabatid na ang 20-anyos na lalaki mula sa estado ng Colorado ay walang travel history at kasalukuyang nasa isolation facility na.
Ayon sa mga state health officials, patuloy nilang inaalam kung sino-sino ang mga nakahalubilo ng naturang lalaki sa posibilidad na baka carrier na rin sila ng bagong coronavirus variant.
Kasunod na ito ng ibinabatong kritisismo ni US President-elect Joe Biden laban sa administrasyon ni President Donald Trump hinggil sa pamimigay ng bakuna.
Hindi raw kasi nasusunod ng kampo ni Trump ang pangako nitong petsa kung kailan mamimigay ng COVID-19 vaccine sa mamamayan ng Amerika.
Sa ngayon ay pumalo na ng halos 19 million ang coronavirus cases sa Amerika at 337,000 na ang namatay.
Pinaniniwalaan ng mga eksperto na may 40%-70% transmissible rate ang bagong variant kumpara sa naunang strain.