Ipinatatawag na ngayon ng Land Transportation Office ang may-ari ng 19 na motorsiklong sangkot sa ilegal na karera sa isang bypass road sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa inilabas na show cause order ng ahensya, pinapaharap nito ang may-ari ng mga motorsiklong sangkot sa Central Office ng LTO sa darating na Agosto 27 ng kasalukuyang taon.
Pinagpapaliwanag rin ang mga ito kung bakit hindi sila pwedeng mananagot sa mga kasong reckless driving, paglabag sa helmet law, at paggamit ng motorsiklong walang plaka o lisensya.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang mga motorsiklo ay nasangkot sa ilegal na exhibition rides kung saan ang ilan ay walang helmet, lisensya, o plaka.
Ang insidenteng ito ay nakakabahala lalo pat karamihan sa mga sangkot sa naturang exhibition ride ay mga menor de edad na mahigpit na ipinagbabawal.