Bumuo na ang pamahalaan ng bagong task force upang mamahala sa rehabilitasyon ng San Juanico Bridge.
Kasabay nito ay ipatutupad na rin ang mga bagong safety protocols sa pinakamahabang tulay ng bansa, kasama na ang 24/7 security patrol sa tulong ng lokal na pamahalaan at law enforcement agencies.
Magkakaroon din ng kokretong rerouting plan para sa mga heavy vehicles at ang itatatag ng isang centralized Public Assistance Desk.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) na pangunahing bahagi ng naturang task force, hindi na papayagang tumawid ang mga pedestrian sa naturang tulay. Sa halip ay gagamitin na lamang ang mga light vehicle at mga coaster na magbibiyahe sa kanila. Ito ay opisyal na nagsimula kahapon,.
Tulad ng orihinal na plano, ang mga RoRo vessel na ang magdadala sa mga mabibigat na cargo truck. Pinaghahanda rin ang mga Roro ports sa buong Leyte at Samar province sa tiyak na pagdami ng mga seserbisyuhang sasakyan.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mayroong structural damage sa naturang tulay kaya’t kinailangang ipatupad ang tatlong-toneladang weight limit.
Kailangang gamitin ng mga tatawide sa tulay ang centerline at dapat ay magiging isahan lamang ang pagtawid, sa tulong na rin ng pagmamando ng mga itinalagang traffic enforcer.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng Blue Alert ang sitwasyon sa naturang tulay. Nangangahulugan ito ng kahandaang tumugon sa anumang emergency situation na maaaring mangyari habang isinasailalim sa rehabilitasyon ang sikat na San Juanico Bridge.