LAOAG CITY – Patay ang isang bagong silang na sanggol na lalaki matapos itinapon ng kanyang ina sa septic tank ng piggery sa Brgy. Aguitap, Solsona, Ilocos Norte.

Ayon sa PNP, narinig pa raw ng ilang residente na umiiyak ang bata subalit hindi nila ito pinansin dahil maraming bata sa nasabing lugar.

Subalit nagulat na lamang ang isang residente nang makita ang sanggol sa septic tank ng piggery malapit sa kanilang bahay at wala nang buhay.

Sinabi ni P/Cpt. Chris Anthony Sorsano, chief of police sa bayan ng Solsona, inamin ng ina ng bata na si Jerelyn Subac, residente rin sa nasabing barangay na nagawa lamang niya ang krimen dahil hindi umano ang asawa nito na nagtatrabaho sa Manila ang ama ng bata.

Isinampa ang reklamong infanticide sa pamamagitan ni Barangay Chairman Ervin Gano na siyang nagsilbing complainant dahil sumuko sa kanya si Subac, subalit matapos ang kanilang komprontasyon ay nagsampa ng Affidavit of desistance ang punong barangay at tinanggap naman ng piskalya.