Inanunsyo ni US President Donald Trump ang panibagong screening procedures para sa coronavirus disease (COVID-19).

-- Advertisement --

Ayon kay Trump, agad na susuriin ang mga pasahero kung may sintomas ito ng COVID-19, lalo na ang mga nanggaling sa itinuturing na mga high-risk countries.

Una nang sinabi ni Trump na maliban sa China, paiigtingin din ang screening sa mga nanggaling sa Italy, South Korea at Iran.

Kaugnay nito, pinabilisan pa ng Amerika ang produksyon sa mga face mask at test kits kasabay ng pagkukumahog ng US government na makontrol ang pagkalat ng COVID.

Ayon kay US Health and Human Services Secretary Alex Azar, nasa 75,000 test kits na ang handa nang magamit at kanila pang dadagdagan ito sa mga susunod pang linggo.

Sinabi naman ni Vice President Mike Pence, may kinontrata na silang kompanya upang gumawa ng karagdagang 35-million respiratory masks.

Hinimok naman ni Pence ang mga mamamayan na huwag bumili nito dahil ito lamang ay nakalaan para sa mga healthcare workers.

Nasa 70 kaso na ang naitala sa Amerika kung saan kabilang na rito ang pinakaunang presumptive coronavirus case sa Rhode Island at Chicago, maging ang dalawang karagdagang kaso sa Washington state. (CNN)