Nanganganib mamatay ang nasa mahigit 14 million katao pagsapit ng taong 2030 dahil sa pagbuwag ng administrasyon ni US President Donald Trump sa US Agency for International Development (USAID).
Ito ay base sa pag-aaral na inilathala sa prestihiyosong Lancet medical journal kasabay ng pagtitipun-tipon ng business leaders para sa UN conference sa Spain ngayong linggo na layuning mapalakas ang humihinang aid sector.
Natuklasan sa pag-aaral na nasa one-third sa naturang bilang o mahigit 4.5 milyong bata edad 5 pababa ang masasawi sa 2030 o 700,000 bata kada taon.
Sa isang statement, sinabi ng co-author ng Lancet report na si Davide Rasella, para sa mga low at middle income countries, maihahalintulad ang nakakagimbal na resulta ng pagbuwag ng US aid agency sa global pandemic o malakihang armed conflict.
Sinabi din nito na nakaambang matigil at mapawalang saysay ang dalawang dekadang progreso sa kalusugan sa mga vulnerable populations.
Tinataya naman ng grupo ng researchers na base sa datos mula sa 133 bansa, napigilan ng USAID funding ang 91 milyong pagkamatay sa mga umuunlad na bansa sa pagitan ng 2001 at 2021.
Matatandaan, nauna ng sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na kinansela ng administrasyon ni Pres. Trump ang mahigit 80% ng lahat ng mga programa sa USAID.