Hinimok ni US President Donald Trump ang Hamas na tanggapin na ang “final proposal” para sa isang 60-araw na tigil-putukan sa Gaza, kasunod ng pagsang-ayon ng israel sa mga kundisyon ng kasunduan.
Sa isang social media post, sinabi ni Trump na ang alok ay ihahatid ng mga kinatawan mula Qatar at Egypt.
Aniya, hindi na ito gaganda — mas lalala pa ito, kasabay ng panawagang gamitin ang pagkakataong ito para wakasan ang giyera.
Ayon kay Trump, layunin ng pansamantalang tigil-putukan na makapagsimula ng usapan para sa ganap na pagtatapos ng digmaan, at pagpapalaya sa mga bihag kapalit ng mga Palestinian prisoners at labi ng mga nasawing militanteng Palestinian.
Nakatakda siyang makipagpulong kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa Lunes sa White House upang talakayin pa ang kasunduan.
Nag-ugat ang gulo noong Oktubre 7, 2023 matapos lusubin ng Hamas ang Israel, na nagresulta sa 1,200 nasawi at 251 bihag.
Tumangging mag-disarma ang Hamas, habang iginigiit ng Israel na ito ang pangunahing kundisyon sa pagtigil ng opensiba.
Ayon sa gaza health ministry, higit 56,000 Palestinian ang napatay sa opensiba ng Israel.
Lumala rin ang krisis sa pagkain at ang sapilitang paglikas ng mga sibilyan.
Patuloy namang tinatanggihan ng Israel ang mga akusasyong genocide at war crimes. (report by Bombo Jai )