-- Advertisements --

Isang bagong basketball league na tinatawag na V-Cup ang inilunsad ng VSports, sa pangunguna ni Jimmy Velasquez, na layuning bigyan ng “second shot at glory” ang mga dating PBA players at collegiate stars na edad 40 pataas.

Ayon kay Velasquez, “greatness doesn’t end at 40.” Ang V-Cup ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon kundi sa pagbibigay-halaga sa pagkakaibigan, pangalawang pagkakataon, at paggalang sa pinanggalingan ng bawat atleta.

Suportado ito ng kanyang asawang si Bianca Lapus, dating aktres na ngayon ay aktibo sa marketing at production ng liga. Sa kasalukuyan, may 8 koponan ang kalahok, bawat isa ay may average na 25 manlalaro at may pagkakataong kumuha ng ex-pro players.

Ang game ay ginaganap tuwing Lunes at Huwebes sa loob ng tatlong buwan. Ang unang laro ay ginanap noong Hulyo 6 sa Treston International College sa Taguig, at may susunod pang mga laban sa Makati.

Sa pagbubukas ng liga, nanalo ang JC2 Negrense Slashers kontra Exile, 78-76, kung saan nagpakitang-gilas ang dating PBA player na si Mark Isip. Kabilang din sa mga kilalang pangalan sa liga sina Jerwin Gaco, Jay Sierra, Erwin Sta. Maria, at Floyd Dedicatoria.

Layunin pa ng V-Cup na bigyang espasyo ang mga beterano ng laro upang muling makapaglaro sa mataas na antas habang nagbibigay-inspirasyon sa mga mas batang manlalaro.