-- Advertisements --

Plano ng pinuno ng National Unity Party (NUP) na maghain ng panibagong legal action laban kay Cavite Rep. Kiko Barzaga kaugnay ng akusasyon ng mambabatas na nakatanggap umano ng suhol ang ilang mambabatas para suportahan si dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa isang statement, tinawag ni Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno, na nagsisilbing chair ng partido, ang akusasyon bilang walang basehan at malisyoso at iginiit na walang kalaban si Romualdez para sa speakership sa simula ng 20th Congress noong Hulyo.

Dagdag pa ng mambabatas na gagawa rin ng legal action ang iba pang Partido na pinangalanan o idinawit.

Matatandaan, nauna ng sinabi ni Barzaga, na dati ding miyembro ng NUP, sa kaniyang kamakailang post online at public statements, na ang kaniyang mga kasama sa Partido ay nakatanggap umano ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon kapalit ng pagsuporta kay Romualdez noong kasagsagan ng House speakership race noong nakalipas na taon.