Pinabibilis na ngayon ng bagong talagang kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development na si Secretary Jose Ramon Aliling ang pagresolba sa reklamo ng mga buyer ng bahay laban sa mga developer nito.
Karamihan kasi sa mga reklamo ay ang hindi maayos na unit na kanilang nakukuha matapos na mabayaran.
Matapos na italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong kalihim ng ahensya , kaagad na inilabas ni Aliling ang department circular hinggil sa naturang usapin.
Giit nito na kailangan na ang ahensya mismo ang nagbibigay ng proteksyon sa mga kliyente ng real estate laban sa hindi maayos na serbisyo ng kanilang mga developer.
Nakasaad sa naturang circular ang kautusan sa mga DHSUD regional offices na magbigay ng bi-weekly complaints status report sa kanilang headquarters o central office.
Punto pa ng opisyal na ang pangunahing priority ng kanilang ahensya ay ang pagtitiyak na naihahatid ng mga developer ang kanilang pangako sa mga bumili ng kanilang mga ginawang bahay.
Tiniyak rin ng bagong kalihim na pararamihin pa ng ahensya ang bilang ng mga pabahay sa buong bansa.