Naghain ang Bagong Henerasyon party-list ng urgent motion para sa proklamasyon nito.
Nauna na kasing sinuspendi ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ng partido kasama ang Duterte Youth party-list habang nakabinbin pa ang mga kinakaharap ng mga ito na disqualification petitions.
Iginiit ni BH party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy na maaaring agad na ibasura ng poll body ang petisyon dahil wala itong nilabag na anumang election laws.
Aniya, gagawin nila ang lahat ng legal na remedyo muna sa Comelec at inihayag na masyadong premature o maaga para humiling para sa intervention mula sa Korte Suprema dahil hindi pa nila natatanggap ang kopiya ng reklamo.
Samantala, sa panig ng poll body, inihayag nito na kasalukuyan ng ina-assess ng Comelec division ang mga merito ng kaso at posibleng agad na maibasura sakaling mabigo ang petitioner na magbigay sa respondent ng kopiya ng reklamo.
Nangako naman ang komisyon na maresolba ang isyu sa sangkot na mga partido bago magbukas ang 20th Congress sa Hunyo 30.