-- Advertisements --

Umakyat na sa 1,824,051 ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas matapos na iniulat ng Department of Health (DOH) ang 16,694 na bagong infections.

Ito ang pangalawang pinakamataas na naitalang daily infections mula nang magsimula ang pandemya noong nakaraang taon.

Kahapon lang, naitala ng Pilipinas ang all-time high na 17,231 na bagong COVID-19 cases.

Ayon sa DOH, umakyat na sa 123,935 ang bilang ng mga nagpapagaling bunsod ng naitalang bagong COVID-19 cases na iniulat ngayong araw.

Pinakamataas aniyang bilang ng active cases ito magmula noong Abril 20.

Sa naturang bilang, 93.5 percent ang mild, 3.7 percent ang asymptomatic, 1.2 percent ang severe, at 0.7 percent naman ang critical condition.

Sinabi rin ng DOH na ang total recoveries ay tumaas din ang bilang, at pumalo na sa ngayon sa 1,668,520 matapos na madagdagan ito ng 15,805 pang pasyente na gumaling sa sakit.

Ito rin ang pinakamataas na daily recoveries na naitala mula naman noong Abril 25.

Samantala, 398 ang bilang ng nadagdag sa mga namatay, na kasalukuyan ay may kabuuang bilang na 31,596, na pinakamataas din mula noong Abril 9 nang maitala ang 401 deaths.