-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Hindi napigilang maging emosyunal ng grand winner nang napag-alamang siya ang mapalad na nanalo ng isang milyong piso sa Grand Draw ng Buena Mano Salvo Promo Year 15 sa Bombo Radyo Philippines.

Bombo Star winner

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Marilyn Alde, 49-anyos mula Malabon City sa Metro Manila, hindi siya umaasa na masungkit ang p1 million grand prize lalo na’t nabunot na ang kaniyang pangalan bilang P50,000 winner.

Unang pagkakataon ito sa kasaysayan ng nasabing promo ng Bombo Radyo Philippines.

Dahil dito kaya ikinokonsidera ng ginang na ang kaniyang panalo ay sagot sa kaniyang mga pagdarasal at pagtitiyaga sa pagsumite ng entrie.

Ayon kay Marilyn Alde, bawat linggo ay sako-sakong mga entry ang kaniyang pinupursigeng mahulog kahit pa man sa lockdown.

Itinodo niya ito sa huling linggo kung saan aabot sa pitong sako ang kaniyang nahulog.

Nakuha niya ang kaniyang ginamit na mga proof of purchase galing sa kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay.

Noong wala pa ang coronavirus pandemic sa bansa, nagtitinda ng kakanin si Alde upang mabuhay ang kaniyang pamilya lalo na’t wala na raw siyang katuwang sa pagtaguyod.

Sa kasalukuyan ay umaasa na lamang siya sa pagbebenta ng cocoa upang maka-survive sa lockdown ang kaniyang nag-iisang anak at iba pang kapamilya.

Ito ang dahilan sa hindi matawarang kasiyahan na kaniyang nararamdanan matapos nanalo ng isang milyong piso.

Malaking tulong na aniya ito sa pagpapagawa ng bahay dahil sa ngayon ang kanilang tinitirhan ay inaabot ng tubig-baha kung saan madalas ay sa bubong na sila namamalagi ‘pag mataas ang tubig.

Ayon pa kay Alde, sumasali na siya sa promo ng Bombo Radyo kahit noong una pa kung saan taong 2012 ay nanalo rin siya ng P100,000.