LAOAG CITY – Narekober ng mga kasapi ng Explosive Ordnance Disposal ang isang vintage bomb na matagal nang nakadisplay sa harap ng Barangay Hall, sa Brgy. 43 Cavit dito sa lungsod ng Laoag.
Ayon kay Police Lt. Col. Rafael Lero, hepe ng PNP Laoag, isang general purpose vintage bomb ang narekober na bomba.
Nabatid na matagal na hindi alam ng mga residente ng barangay ang nasabing bomba kung saan ibinaon ito sa lupa at semento na nasa gilid lamang ng kalsada bilang palamuti sa harap ng basketball court na nasasakop ng barangay hall.
Sa larawan na ibinigay ng mga otoridad, pininturahan ito ng kulay asul sa pagaakalang isa lamang normal na bakal.
Dagdag ni Lero na posibleng sasabog pa ang bomba at kaya nitong burahin ang isang sitio.
Sa panayam kay Barangay Chairman Jerry Alonzo, Grade 5 pa lamang ito noon ay nakabaon na ang nasabing palamuti o ang vintage bomb sa nasabing lugar.
Nalaman lamang na bomba ito nang tatanggalin sa pagkakabaon nito dahil sa gagawing silong ng basketball court kung saan nakita ang propeler o ang buntot ng nasabing bomba at agad ipinaalam sa mga otoridad.