Inihayag ni dating Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson ang kanyang pagbibitiw sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) epektibo sa Disyembre 15, dahil umano sa kanyang kalusugan at kakulangan ng kapangyarihan ng komisyon.
Binigyang-diin ni Singson na ang ICI ay lumaban nang walang tamang armas, at ilan sa mga kawani daw nito ay nagtatrabaho nang boluntaryo nang tatlong buwan nang walang sahod.
Hinimok niya ang Kongreso na aprubahan ang mga batas na magbibigay ng kapangyarihang legal sa komisyon para imbestigahan ang anomalya sa flood control, kabilang ang paglabas ng subpoenas, preventive suspension, at contempt powers.
Sinabi rin ni Singson na hindi siya pinilit na magbitiw at hindi nakausap ang Pangulo ukol sa ICI. Inihayag niyang ang pagbibitiw ay dahil sa kanyang kalusugan, kabilang ang reseta para sa mataas na presyon ng dugo, cholesterol, at uric acid.
Samantala, pinuna rin ni Rep. Leila De Lima ang mabagal na pagproseso ng Kongreso sa panukalang batas na magpapalakas sa ICI.
Ayon sa kanya, nakapasa na ang substitute bill noong Nobyembre 13, ngunit hindi pa rin ito naisasama sa plenaryo habang dalawang linggo na lang bago ang Christmas break.















