VIGAN CITY – Sugatan ang isang senior citizen sa Brgy. Sived, Sto. Domingo, Ilocos Sur matapos itong tagain ng isang beses ng mismong asawa nito.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay P/Cpt. Christopher Ramat, hepe ng Sto. Domingo municipal police station, hindi na umano magsasampa ng kaso ang biktimang si Leticia Dela Cruz Torricer, 64, laban sa asawa nito na si Carlito Tabbilos Torricer, 71.

Ipinaliwanag naman ng suspek na hindi umano nito sinadya na tagain ang kaniyang misis dahil mahal naman umano niya ito at dalawa na lamang silang nakatira sa kanilang bahay.

Ayon kay Carlito, naalimpungatan lamang umano ito at bigla na lamang kinuha ang itak nitong may habang 16.5 pulgada at saka tinaga ang natutulog nitong misis.

Iginiit ng suspek na bigla na lamang umanong pumasok sa isip niya ang nangyari sa kaniyang asawa noong nakaraang taon kung saan pinaniniwalaang hinipuan ito ng isa sa kaniyang mga kamag-anak kaya nang maalimpungatan ay inakala nitong ang lalaking humipo sa kaniyang asawa ang kaniyang katabi sa pagtulog kaya niya ito tinaga ng isang beses.

Masuwerte namang hindi gaanong malalim ang sugat na tinamo ng biktima kaya nakalabas rin ito ng ospital matapos gamutin.