LAOAG CITY – Patay ang isang babae matapos nabangga ng kotse na pinakialaman ng 10-anyos na bata sa Barangay Macayepyep, Banna, Ilocos Norte.

Nakilala ito na si Flordelina Susa, 58, may asawa at residente sa nasabing barangay.

Ayon sa PNP, ipinarking ng ama ng biktima ang kanyang sasakyan na umaandar at pansamantalang bumaba at iniwan ang anak sa loob.

Subalit habang wala ang ama ay pumunta ang bata sa driver’s seat at tinapakan ang silinyador kaya bigla itong tumakbo hanggang sa nabangga ang nakatayong biktima, kasama ang isang motorsiklo.

Dinala kaagad ang biktima sa Rural Health Unit sa bayan ng Banna subalit inilipat sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac.

Pero idineklarang dead on arrival dahil sa mga tinamo niyang sugat.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing insidente.